Imbak para sa Kategoriyang ‘Buhay Estudyante’

h1

Job Fair sa Akiba

Disyembre 22, 2008

Nagsimula na ang aking unang hakbang sa paghahanap ng trabaho nuong nakaraang Linggo, ika-14 ng Disyembre, dahil pumunta ako sa International Job Fair na para sa mga estranghero dito sa bansang Hapon na ginanap sa Akihabara, Tokyo. Ito ay para sa mga job hunters na may kakayahan na makapagsalita ng 2 o mahigit na lengwahe tulad ng wikang Hapon at wikang Ingles.

seminarNasabing mahigit kumulang 3000 na job-hunters ang nagsipagdalo at 24 na kumpanya ang nakilahok sa nasabing event. Simula alas onse ng umaga hanggang alas sais ng gabi ginanap ito. Halos 3o minuto – 1 oras ang company research seminar ng bawat kumpanya. Ipinaliwanag nila ang iba’t ibang impormasyon tungkol sa kanilang kumpanya tulad ng proseso ng pag-hire nila ng mga bagong staffs, atbp. Ilan sa mga dinaluhan ko na seminar ay telecommunications company, Japanese toy making company, internet company, B2B marketing company, tire company, electronics company, etc. Pagkatapos ng isang seminar, may nakasalamuha akong mga kababayan natin dahil narinig kong may nagsasalita ng Tagalog kaya paglingon ko, binati ko sila. Sobrang galang nga ng mga iho at iha dahil sa kakagamit nila ng “po” habang nakikipag-usap sa akin. Feeling ko tuloy ang tanda ko na! hahaha! :D Nabanggit nila na nakapagtapos sila sa Mapua at nakikipagsapalaran dito upang makapaghanap ng trabaho. Sa tingin ko, makakahanap rin sila dahil in-demand ang IT programming dito.

Seryosong mode sa pakikinig sa seminar ng Sharp.
Seryosong mode sa pakikinig sa seminar ng Sharp.

Syempre kinailangan kong maghanda ng resume bago ako dumalo sa Job Fair. Alam niyo ba na sulat-kamay ang Japanese-style CV dito at hindi typewritten?! Kaya sumakit ang kamay ko sa pagsusulat ng 5 kopya ng resume ko gamit ang pre-printed form na galing sa aming unibersidad. I-click mo lang ang 「履歴書」upang makita ang isa sa mga J-style CV.

Kasama ang aking dalawang matatalik na mga kaibigan na Kastila na sila K-chan at D-kun. Ito ay habang naghihintay kami sa pagsisimula ng Job Fair.
Kasama ang aking dalawang matatalik na mga kaibigan na Kastila na sila K-chan at D-kun. Ito ay habang naghihintay kami sa pagsisimula ng Job Fair. Sana ay maging maswerte kami dito!

Nabanggit ko sa aking nakaraang artikulo na pinamagatang “Mock Interview” na kinakailangan ng simulang asikasuhin ng mga estudyante na nasa pangatlong taon ang paghahanap ng trabaho. Grabe sobrang aga, di ba! Imagine, imbes na magconcentrate ka lang muna sa mga aktibidad sa eskwela, kinakailangan ng umattend sa 12 na beses na Job Hunting Seminars sa unibersidad na pinangangasiwaan ng mga Career Guidance Counselors simula ng buwan ng Hunyo hanggang buwan ng Pebrero.  Usually, ang tagal ng proseso ng pag-aaply ng trabaho ay 5 buwan hanggang 1 taon. Nagsisimula sa pre-entry sa website ng kumpanya, susunod ay pag-attend sa seminar sa mismong opisina ng ina-aaplyan na kumpanya, pagsubmit ng entry sheet o kaya ay CV, kapag may feedback – may 2-3 beses na interview (individual o by group – depende sa kumpanya), pagkatapos ay malalaman na ang desisyon kung tatanggapin ka nila o hindi. Ang mga expected na magtatapos ng kolehiyo (kagaya ko) sa buwan ng Marso 2010, magsisimula ang trabaho sa buwan ng Abril.

Nuong nakaraang Sabado, ika-20 ng Disyembre ay sumali ako kasama ang 24 na estudyanteng Hapon at ilan sa mga International Students na schoolmates ko sa “Business Manner Seminar” na ginanap pa rin sa aming unibersidad pero ito ay hindi libre. 1000 yen o 500 pesos ang bayad para sa seminar na ito. Worth it naman kase maraming mga pointers ang itinuro sa amin tulad ng tamang paggreet, pag-bow, gayundin ang pagtanggal ng coat bago pumasok sa loob ng building ng kumpanya na aaplyan, paglalagay ng tamang pwesto ng bag habang nasa loob ng seminar room o kaya sa interview room, etc. Hay, masyadong metikuloso ang mga Hapon pero magandang training ito para sa aking nalalapit na pag-aaply ng trabaho.

h1

Oktubre Festi

Oktubre 20, 2008

Ipinagdiwang namin ang kaarawan ng isa sa aking mga kaibigan na taga-Rusya noong  nakaraang  gabi ng Sabado. Simple lang ang selebrasyon, bumili lang kami ng chichiria at soft drinks sa  convenience store bago kami pumasok sa isang karaoke bar sa lugar ng Takao, Hachioji.

ang bday boy na taga-Rusya, ang inyong lingkod, taga-Espanya at taga-Ehipto)
(mula kaliwa hanggang kanan: ang bday boy na taga-Rusya, ang inyong lingkod, taga-Espanya at taga-Ehipto)

Sumunod na araw, pumunta kami sa festival sa Takudai-kampus ng Hachioji. Iba’t-ibang mga uri ng pagkain o ulam na galing sa iba’t ibang bansa tulad ng lutong Hapon, lutong Espanyol, lutong Malaysia, lutong Ehipto, lutong Indonesia, lutong Italyano, lutong Mehiko, lutong Tsino, lutong Pilipino, atbp.

lutong Pinoy
lutong Pinoy – turon at banana shake

Opo, mga kaibigan, meron lutong Pilipino dahil may organisasyon para sa mahihilig mag-aral sa wikang Filipino dito sa Takudai under sa Faculty of International Development. Halos lahat ng mga miyembrong Hapon at Haponesa rito ay nakapunta na sa ating bansa upang maging exchange student sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

Kasama namin sina Pink Heart at Yellow Star.

h1

Mock Interview

Oktubre 11, 2008
Ang libro na ito ay tungkol sa Job Interview Entry Sheet Guidelines

Ang libro na ito ay tungkol sa Job Interview Entry Sheet Guidelines

Ang napili kong kunin na seminar sa taong ito ay “International Business Communication”. Kami ay 15 na estudyante na kumukuha nito – 4 na banyagang estudyante at 11 na estudyanteng Hapon. Sobrang pressured nga ako kase mahilig yung propesor namin sa research at presentation. Halos gusto ko na magquit nun pero na-realize ko na maganda na rin ito na training para sa akin at para lalo ko ma-improve ang Japanese language skill ko. Kahit super stress ako, nakakasurvive naman.

Isa sa mga naging aktibidad namin kahapon ay ang mock interview. Nakipag-ugnay ang aming propesor sa isa sa mga Career Counselors ng Placement Office ng aming campus na bigyan kami nito upang  mabigyan kami ng payo kung ano ang nararapat namin na iimprove sa aming sarili kapag nagsimula na kami magjob-hunting sa susunod na taon. Hinati kami sa dalawang grupo, walo kami na ininterview kahapon at ang natitirang pito ay gaganapin sa katapusan ng buwan na ito. Buti na lang at nasama ako sa unang batch dahil natapos na rin ang sobrang pagkanerbyos ko.

Sobra ang nerbyos ko nung mga oras na ito

Sobra ang nerbyos ko nung mga oras na ito

Nagtataka siguro kayo kung bakit may mock interview kami sa seminar namin. Dahil ang mga estudyante na nasa pang-3 taon na sa kolehiyo ay kinakailangan ng magsimula sa paghahanda para sa paghahanap ng trabaho upang pagdating ng pang-apat na taon at hanggang sa makapagtapos sa kolehiyo ay kinakailangan ng makahanap ng trabaho. Gosh, ganun ka-pressured ang pamumuhay dito. Naalala ko tuloy ang buhay sa Pinas, pagkatapos ko sa kolehiyo sa Benilde, hindi muna ako naghanap ng trabaho ng halos mahigit 1 taon. Kumbaga, isa akong “bum” nuon. Pero hanggang sa dumating ang araw na nagdesisyon ako na tapusin na ang pagiging “bum” ko at kelangan ng magsumikap na maghanap ng trabaho. Hanggang sa nakahanap nga ng trabaho at nakapagtagal din ako ng mahigit 2 taon. Pero dito, hindi ko na pwedeng gawin yun dahil hindi uso rito ang pabandying bandying. Hay, nakakamiss ang buhay sa Pinas!

Unang grupo para sa mock interview kasama ang officer ng Placement Office

Unang grupo para sa mock interview kasama ang aming Career Counselor

h1

Interesado Ka Ba Na Mag-aral ng Wikang Hapon?

Setyembre 2, 2008
Unibersidad ng Takushoku

Unibersidad ng Takushoku

Marami sa ating mga kababayan na gusto rin makarating dito sa bansang Hapon pero mahirap makakuha ng bisa sa atin. Ang ilan sa mga payo ko ay humanap ng trabaho tulad ng pagtuturo ng wikang Ingles na madalas tawagin na Assistant Learning Teacher dito o mas mabuti rin na mag-aral ng linguaheng Hapon upang pagkatapos nito ay pwede  ipagpatuloy na makakuha ng kurso na pang-unibersidad o kaya bokasyonal na edukasyon at makakakuha ng magandang trabaho balang araw.

Ito ay para sa mga estudyante sa Pilipinas na may interes na makapag-aral dito sa bansang Hapon, para malaman nila ang mga basics at iba pang mahahalagang impormasyon sa pag-aaral dito. Hindi maipagkakaila ang katotohanan na karamihan ng estudyante sa Pilipinas ay magagaling at matatalino. Kung gugustuhin nila makapag-aral sa ibang bansa, sa palagay ko kayang-kaya nila.   Ang mahirap lang talaga sa mga ibang estudyante ay maraming hindi seryoso sa paghahanap ng mga oportunidad at magsumikap na matupad ang kanilang pangarap na makapag-aral sa ibang bansa. Isa pang problema ay hindi masyadong laganap ang impormasyon tungkol sa edukasyon sa Pilipinas kaya kung may gusto mang magsumikap ay nawawalan ng pag-asa dahil wala masyadong mahanap na oportunidad. Siguro marami ring oportunidad sa iba’t ibang bansa pero wala ako masyadong alam tungkol sa ibang bansa maliban lanmang sa bansang Hapon.

Halos apat na taon na rin akong nag-aaral dito sa bansang Hapon kaya kahit papaano marami na rin akong nalalaman tungkol sa sistema ng edukasyon dito. Naalala ko nuong bago pa lamang ako dito, hindi ako masyado marunong makapagsalita ng lingwaheng Hapon. Ang feeling ko dati para akong isang batang musmos na walang nalalaman sa mundo na ito. Mabuti na lamang at naririto ang aking magulang. Nariyan sila para suportahan ako hanggang sa unti-unti akong natutong magsalita ng linguaheng Hapon. Sa una, mahirap talaga mag-aral dito dahil marami sa atin ay hindi nakaka-intindi ng lingwaheng Hapon.  Pero syempre hindi ibig sabihin ng “mahirap” ay “hindi na makakaya.” Para sa mga walang interes na mag-aral ng wikang Hapon, hindi maipapayo na mag-aral dito. Basta depende sa iyong interes na pag-aralan at gusto na mapuntahan na lugar. Kung talagang pursigido na mag-aral ng lingwaheng Hapon, ang susunod na problema ay ang gastusin sa eskwela. Alam ng lahat na magastos at mahal ang bilihin sa bansang Hapon. Average yearly tuition fee para sa mga publiko o pribado na unibersidad at kolehio ay mga 600,000 hanggang 1,000,000 Yen o mga 250,000 hanggang 450,000 Pesos. Para sa mga walang gaanong kaya na estudyante, ang pinakamabuting paraan ay kumunsulta sa Konsulada o Embahada ng bansang Hapon sa Pilipinas para sa Japanese Government Scholarship (Monbukagasho Scholarship) upang makakuha ng mas detalyadong impormasyon. Maganda ang mga scholarships na ito pero syempre kailangan subukan para malaman kung kakayanin o hindi. Marami ring klase eto, depende sa layo ng narating na pinag-aralan.

Ito ay introduksyon lamang kung paano magsimula mag-aral dito sa bansang Hapon. Hindi talaga para pag-usapan ang ibat-ibang Japanese government scholarship sa Japan kundi gusto ko lang kayo mabigyan ng ideya kung ano ang mga posibilidad sa pagiging buhay estudyante dito sa bansang Hapon.

Naalala ko tuloy ang famous punchline ni Doña Delilah sa dating prime time comedy sitcom “Kaya ikaw John, magsumikap ka!” (John, you have to work hard!)